--Ads--

Nakapagtala ang Schools Division Office (SDO) ng Cauayan ng dalawang kaso ng bullying sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod nitong hulyo, ayon sa ulat ng kanilang Learner Rights and Protection Section sa kasalukuyang school year.

‎Ayon kay Joyce Ann Antalan, Ang Alternate Learner Rights and Protection Focal Person ng SDO Cauayan, agarang inaksyunan ng mga kinauukulan ang mga naturang insidente alinsunod sa umiiral na Child Protection Policy ng Department of Education (DepEd).

‎Tiniyak din niya na dumaan sa tamang proseso ang pagsisiyasat at pagbibigay ng interbensyon para sa mga sangkot na mag-aaral.

‎Bilang bahagi ng pagpapalakas ng kanilang monitoring at documentation system, patuloy pa rin ang paggamit ng SDO Cauayan online monitoring upang maging mas madali, at effective ang pagtanggap at pagsubaybay sa mga ulat ng karahasan o pambu-bully sa mga paaralan.

‎Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang kampanya upang mapanatili ang ligtas at positibong kapaligiran sa lahat ng paaralan sa ilalim ng SDO Cauayan.

‎Kabilang dito ang pagsasagawa ng mga orientation, seminar, at advocacy programs ukol sa karapatan ng mga mag-aaral at tamang pag-uugali sa paaralan.

‎Pinaalalahanan din ni Antalan ang lahat ng miyembro ng komunidad pang-edukasyon na makiisa sa pagsusulong ng child-friendly schools sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng anumang uri ng pambu-bully o karahasan.