Nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na posibleng magmula sa mga informal settler families (ISF) ang mga casualty sakaling tumama ang malakas na lindol o ang The Big One sa bansa.
Sa pagdinig ng budget ng DILG, ipinaliwanag ni Remulla ang pinangangambahan dahil ang mga bahay ng mga ISF ay itinayo nang walang municipal permits at dahil karaniwang sa ganitong tirahan ay gumagamit sila ng kerosene maaari pa itong maging sanhi ng sunog.
Hiniling ng Kalihim sa Senado ang pagpapalakas ng Building Code sa mga munisipalidad para masuri ang integridad at tibay ng mga gusali at iba pang istruktura.
Sinabi naman ni DILG Usec. Marlo Iringan na may inihahanda silang infrastructure audit sa National Capital Region (NCR), Calabarzon, Cavite, Laguna, Bulacan, at Pampanga.
Dagdag pa rito ay mayroon ding protocol na sinusunod ang mga local government unit (LGU) para sa paghahanda sa lindol.











