Patuloy na pinananatili ng Tropical Depression “Ramil” ang lakas nito habang kumikilos sa direksyong west southwestward sa Philippine Sea.
Ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA, ang sentro ng bagyong Ramil ay huling namataan sa layong 640 km silangan ng Juban, Sorsogon. Taglay nito ang maximum sustained winds na aabot sa 55 km/h malapit sa gitna at bugso ng hangin na hanggang 70 km/h.
Ang bagyo ay kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Nakataas parin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Southern Isabela partikular sa Timog-silangang bahagi ng Dinapigue,Quirino (Maddela, Nagtipunan), Nueva Vizcaya (Alfonso Castañeda), Aurora, Nueva Ecija , Bulacan (Doña Remedios Trinidad, Norzagaray, San Miguel, San Ildefonso), Quezon Province kabilang ang Polillo Islands,Camarines Norte at Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon,Burias at Ticao Islands, Northern Samar, Hilagang bahagi ng Eastern Samar, Hilagang bahagi ng Samar.
Ayon sa forecast track, posibleng mag-landfall si Ramil sa Catanduanes bukas ng hapon (Oktubre 18). Pagkatapos nito, inaasahang dadaanan o madadaanan nito ang kalupaan ng mainland Bicol Region sa gabi ng Sabado. Sa pagpapatuloy ng galaw nito, inaasahang magla-landfall muli si Ramil sa Aurora o Quezon sa umaga ng Linggo (Oktubre 19).
Pagkatawid sa kalupaan ng Luzon, inaasahang lalabas si Ramil sa West Philippine Sea sa hapon o gabi ng Linggo, at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Lunes (Oktubre 20) ng umaga o hapon.
Ayon sa PAGASA, kung lilihis sa timog ang direksyon ng bagyo, posibleng mag-iba ang lugar ng landfall at mas maraming lugar ang mapapasailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal.
Habang nasa Philippine Sea, inaasahang magpapatuloy ang pag-intensify ni Ramil at maaabot ang tropical storm category sa loob ng susunod na 12 oras. Hindi inaalis ang posibilidad na ito’y maging isang severe tropical storm bago ito mag-landfall. Pagkatapos tumawid sa Luzon at makarating sa West Philippine Sea, inaasahan ang higit pang paglakas ng bagyo.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga posibleng maapektuhang lugar na maging handa sa malalakas na ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa, lalo na sa mga bulubunduking bahagi ng Luzon at Bicol Region.











