Personal na dumalaw si PBGen. Antonio Marallag, Jr., Acting Regional Director ng Police Regional Office 2 (PRO2), sa burol ni PCpl Jay-ar R. Galabay sa Brgy. District 1, Reina Mercedes, Isabela.
Ipinahatid ni PBGen. Marallag ang kanyang pakikiramay sa naiwang pamilya ng nasawing pulis, at iniabot ang tulong pinansyal mula sa PRO2 sa maybahay ni PCpl Galabay bilang suporta sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Bilang pagkilala sa kabayanihan at sakripisyo ng nasawing pulis, iginawad din kay PCpl Galabay ang Medalya ng Kadakilaan, matapos siyang masawi habang tumutugon sa kaniyang tungkulin.
Kabilang din sa mga dumalo sa seremonya ng pagkilala ay sina PCol Edith D. Narag, Chief ng Regional Community Affairs and Development Division (RCD), PLtCol Avelino D. Canceran, Jr., Chief of Police ng Cauayan City Police Station, at iba pang opisyal ng PRO2.
Matatandaang nasawi si Pcpl. Galabay matapos masaksak ng isang lalaking nag-amok sa bahagi ng Maharlika National Highway, Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Sa paunang ulat pauwi na ang biktima kasama ang ilan pang pulis matapos maitalaga bilang covered security ng Miss Tourism Philippines 2025 Coronation Night sa F.L. Dy Coliseum sa Lungsod ng Cauayan kagabi, Oktubre 16.
Nadaanan nila sa National Highway ang suspek na si Jomark Molina na nag-aamok kaya inawat at pinagsabihan umano ito ni PCpl. Galabay.
Sa halip na tumalima ay sinaksak ng suspek ang Pulis gamit ang isang kutsilyo, agad namang nabaril ang suspek.
Dali-daling itinakbo ang mga sangkot sa pagamutan kung saan sila binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.











