Matagumpay na isinagawa ang Private Schools Press Conference (PSPC) na nagsimula nitong ika-15 at magtatapos ngayong araw sa Our Lady of the Pillar College – Cauayan Inc., na nilahukan ng 681 campus journalists mula sa 15 private schools sa Lungsod ng Cauayan.
Sa ilalim ng temang “Campus Journalism: A Beacon of Truth, Integrity, and Hope Amidst Corruption and Censorship” layunin ng PSPC na paigtingin ang kahusayan at integridad ng kabataang mamamahayag sa gitna ng mga hamon sa malayang pamamahayag.
Isinagawa ang 13 contested events na kinabibilangan ng News at Sports Reporting, Science and Technology, Feature Writing, Editorial at Column Writing, Cartooning, Photojournalism, Copy Editing and Headline Writing Radio and Tv Broadcasting and Scriptwriting, Online at Collaborative Desktop Publishing.
Ang mga patimpalak ay isinagawa sa parehong Filipino at English na medium, kung saan ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang galing sa pagsusulat, paghahatid ng balita, at malikhaing pamamahayag.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Crisanto S. Magaoay, Junior High School Principal ng OLPCC Inc., maagang paghahanda ang kanilang isinagawa upang matiyak ang tagumpay ng naturang aktibidad.
Samantala, Inihayag ni Kyle A. Fabila, School Paper Adviser mula sa Metropolitan Bible Baptist Learning Center Inc., ang kanilang paraan ng paghahanda sa mga kalahok.
Ang PSPC ay isa sa mga pangunahing hakbang at paraan upang pagtibayin ang kampanya ng Department of Education at mga pribadong institusyon para sa campus press freedom at paghubog ng mga kabataang mamamahayag na may malasakit sa katotohanan at serbisyo sa bayan.










