--Ads--

Tinalakay sa isinagawang Committee Hearing kamakailan ang isyu ng suplay ng flu vaccine para sa mga mamamayan ng Lungsod ng Cauayan.

Lumabas sa pagdinig na hindi sapat ang libreng bakuna mula sa Department of Health (DOH) upang matugunan ang pangangailangan ng buong populasyon ng lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Delmendo, kinakailangan pang bumili ng karagdagang flu vaccine upang mabigyan ng proteksyon ang mas maraming mamamayan. Sa kasalukuyan, prayoridad ng pamahalaang lokal na mabigyan ng bakuna ang mga senior citizen dahil sila ang pinakaapektado at mas madaling kapitan ng mga sakit.

Patuloy pa rin ang pagtukoy sa eksaktong bilang ng mga kailangang mabakunahan upang maayos na mailaan ang badyet para sa karagdagang bakuna. Sinabi ng konseho na hindi lahat ng hinihiling na stock mula sa DOH ay naibibigay dahil may mga nakalaang alokasyon para sa iba’t ibang lugar sa bansa.

--Ads--

Nananawagan ang konseho sa mga mamamayan ng lungsod na samantalahin ang libreng flu-vaccine na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan dahil mataas ang halaga nito sa mga pribadong ospital.

Ayon sa konseho, mayroong available na flu vaccine sa City Health Office na maaaring kunin ng mga residente bilang bahagi ng kampanya para sa kalusugan. Layunin ng programang ito na maiwasan ang pagkalat ng mga sakit, lalo na sa panahon ng taglamig at panahon ng trangkaso.