--Ads--

Inihayag ni Prince Andrew, nakababatang kapatid ni King Charles III, na hindi na niya gagamitin ang kanyang titulong Duke of York matapos muling pumutok ang mga isyu kaugnay ng kanyang ugnayan sa nahatulang sex offender na si Jeffrey Epstein.

Ayon sa pahayag mula sa Buckingham Palace, napagdesisyunan ni Andrew na hindi na rin niya gagamitin ang mga parangal na iginawad sa kanya. Ang desisyon ay ginawa matapos ang pag-uusap nila ng Hari at ng mga miyembro ng pamilya, dahil sa paniniwalang ang patuloy na kontrobersya ay nakakaabala sa trabaho ng Hari at ng Royal Family.

Mariing itinanggi ni Andrew ang lahat ng paratang laban sa kanya.

Kasabay nito, ang kanyang dating asawa na si Sarah Ferguson ay hindi na rin tatawaging Duchess of York.

--Ads--

Noong 2019, umatras si Prince Andrew sa kanyang mga pampublikong tungkulin. Noong Enero 2022, isinauli niya ang kanyang mga military connections at royal patronage matapos mabigong mapatigil ng kanyang mga abogado ang isang Civil case sa U.S. na nagsasangkot sa kanya sa umano’y sexual abuse.

Nagbayad si Andrew ng malaking halaga sa biktimang si Virginia Giuffre, na nagsabing inabuso siya ng prinsipe noong siya ay 17 taong gulang. Paulit-ulit namang itinanggi ni Andrew ang mga alegasyon. Namatay si Giuffre noong Abril sa edad na 41, matapos magpatiwakal.

Ang desisyon ng prinsipe ay kasunod ng mga ulat mula sa ilang media, kung saan inilathala ang umano’y email mula kay Andrew kay Epstein noong 2011. Ang email ay naiulat matapos lumabas ang isang litrato na nagpapakitang magkasama sina Andrew at Giuffre.

Hindi nagbigay ng pahayag ang Buckingham Palace kaugnay sa nasabing email.

Nauna nang sinabi ni Andrew na pinutol na niya ang anumang koneksyon kay Epstein noong 2010. Gayunpaman, inamin niya sa isang panayam noong 2019 na binisita niya si Epstein sa New York upang personal na tapusin ang kanilang ugnayan.