--Ads--

Activated na ang Command Center ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Palanan, Isabela bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Ramil.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant DRRM Officer John Bert Neri ng MDRRMO Palanan, sinabi niyang nagsagawa na sila ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) bilang bahagi ng kanilang paghahanda.

Aniya, bagama’t hindi kabilang ang Palanan sa point of probability, hindi pa rin nila isinasantabi ang posibleng epekto ng bagyo sa kanilang bayan.

Puspusan na ang kanilang ginagawang paghahanda. Nakapag-abiso na rin sila sa mga coastal barangay, partikular na sa paghahanda ng stockpile ng Family Food Packs na ipapamahagi sa mga full-time fisherfolks, na binubuo ng 245 indibidwal.

--Ads--

Ang mga tulong na ito ay magsisilbing pagkain ng mga mangingisdang pansamantalang hindi makakapalaot dahil sa mataas na alon sa karagatan na dulot ng bagyo. Kasama nila ang kanilang mga counterpart mula sa Philippine Coast Guard, na walang sawang nagpapaalala sa mga mangingisda lalo na kung may nakataas na gale warning.

Isa rin sa mga barangay na kanilang mahigpit na binabantayan ay ang Barangay Culasi dahil sa banta ng storm surge, kaya’t naglaan din sila ng food packs para sa mga residenteng posibleng maapektuhan.

Maliban dito, handa rin ang MDRRMO Palanan para sa posibleng pre-emptive evacuation, lalo na para sa mga kababayang Dumagat na naninirahan malapit sa Pinacanauan River o Palanan River.