Isinusulong ngayon ni Senador Chiz Escudero ang isang panukalang batas na layong ibaba ang compulsory retirement age ng mga guro at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) mula 65 taon gulang tungo sa 60.
Ayon sa Senate Bill No. 237, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsusumikap na mapaunlad ang sistema ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagpapasigla sa hanay ng mga kawani at pagbibigay-daan sa mas maraming kabataang Pilipino na makapasok sa serbisyo publiko.
Sa kasalukuyang sistema ng DepEd, kinakailangan ang patuloy na pagsasanay at propesyonal na pag-unlad ng mga kawani upang masiguro ang epektibong pagbibigay ng makabago at dekalidad na serbisyo. Nakasaad sa panukalang batas na ang mas maagang pagreretiro ay magbibigay daan sa mas batang henerasyon ng mga guro at kawani upang makapaglingkod at makapag-ambag sa modernisasyon ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay Escudero, ang pagbabang ito sa retirement age ay hindi lamang pagkilala sa mahabang serbisyo ng ating mga guro at kawani, kundi pagkakataon din upang sila ay makapagpahinga o makapagsimula ng panibagong yugto ng kanilang buhay habang nasa tamang gulang pa.
Bukod sa pagkilala sa serbisyo ng mga retiradong guro at kawani, binibigyang-diin din ng panukala ang pagbubukas ng mas maraming posisyon para sa mga bagong graduate at job seekers na nais pumasok sa larangan ng edukasyon dahil sa pamamagitan ng panukalang ito, mas maraming kabataang guro at aplikante sa non-teaching positions ang magkakaroon ng pagkakataon sa gobyerno.
Sa ilalim ng umiiral na batas, ang mandatory retirement age para sa mga kawani ng gobyerno ay 65 taong gulang.











