Ipinatupad na ng Coast Guard District Northeastern Luzon ang “No Sail Policy” bilang bahagi ng paghahanda sa masamang panahong dulot ng Bagyong Ramil.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ens. Dionisio Mahilum, tagapagsalita ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi niyang naka-alerto na ang kanilang hanay at epektibo nang ipinatutupad ang Notice to Mariners sa karagatan ng Aurora.
Bukod sa Aurora, binabantayan din ng Coast Guard ang mga baybaying dagat sa Isabela, partikular sa bayan ng Divilacan, at nakapagsagawa na rin sila ng information drive sa mga mangingisda sa mga apektadong lugar, kabilang ang Sta. Ana, Cagayan.
Nagbabala rin si Ens. Mahilum na ang sinumang mangingisda na lalabag sa “no sail policy” ay papatawan ng kaukulang parusa, lalo na kung lalayag nang walang pahintulot sa gitna ng banta ng sama ng panahon.
Samantala, nakahanda rin umano ang kanilang deployable response troops sakaling kailanganin sa kanilang Area of Responsibility (AOR)











