Malalaking pagbabago at makabuluhang proyekto ang isinusulong ngayon sa Barangay Rizal, Cauayan City, upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng lumalaking populasyon ng barangay.
Isa sa mga pangunahing proyekto ay ang planong pagpapatayo ng mas malawak na health center, ayon kay Barangay Captain Bong Fernandez sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan. Aniya, matagal nang suliranin ang maliit at masikip na health center sa kanilang barangay, na hindi na kayang i-accommodate ang dumaraming pasyente lalo na tuwing may outbreak tulad ng dengue, kung saan naitala ang tatlong kaso ngayong taon.
Sa kasalukuyan, mayroong higit 900 residente sa barangay. Tinatayang aabot sa ₱2 milyon ang kinakailangang pondo para sa bagong pasilidad. Bagamat limitado ang pondo ng barangay, tiniyak ni Kapitan Fernandez na nakipag-ugnayan na sila sa LGU Cauayan, na nagbigay ng suporta para sa proyekto. Target umanong masimulan ang konstruksyon sa susunod na taon.
Bukod sa health center, sunod-sunod ding naipatupad ang ilang mga proyekto sa barangay, kabilang na ang pagdagdag ng 20 streetlights, partikular sa mga looban.
Nilipat din ang ilang ilaw mula sa highway patungo sa mga kulang na lugar sa loob ng barangay upang mas mapanatili ang seguridad sa gabi.
Ayon sa ulat, may isang aksidente na nagresulta sa pagkamatay ng isang tao sa highway ngayong taon. Sa paglalagay ng karagdagang ilaw, inaasahang mababawasan ang mga ganitong insidente.











