--Ads--

Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na maraming empleyado ang mawawalan ng trabaho sa patuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects sa bansa.

Sa isang pulong-balitaan na isinagawa sa Clark, Pampanga, sinabi ni Dizon na seryoso ang kasalukuyang pamunuan ng DPWH sa paglilinis at pagsasagawa ng reporma sa ahensiya. Ayon sa kanya, walang sisinuhin at walang sasantuhin sa mga tatanggalin mula itaas hanggang ibaba upang maibalik ang tiwala ng publiko sa kanilang mga proyekto.

Dagdag pa ni Dizon, humingi rin sila ng payo mula sa mga dating kalihim ng DPWH tulad nina Rogelio Singson at Ping de Jesus, at binigyang-diin na kailangang maghanap din ng tulong mula sa mga external advisers mula sa mga respetadong engineering companies sa bansa.

Matatandaang noong Setyembre, naglabas si Dizon ng show-cause order laban sa ilang regional directors at district engineers na umano’y sangkot sa mga substandard na imprastraktura, pakikialam sa ebidensya, at hindi maipaliwanag na marangyang pamumuhay.

--Ads--

Personal na nagsagawa ng inspeksyon si Dizon kasama ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga proyektong pinaghihinalaang substandard, bukod pa sa mga impormasyong natanggap mula sa iba’t ibang sources.

Samantala, kinasuhan na ng graft, corruption, malversation, at paglabag sa Government Procurement Act sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at 18 iba pang opisyal at empleyado ng Bulacan 1st District Engineering Office dahil sa nasabing anomalya.