Muling nagbabala ang Barangay Tagaran, Cauayan City matapos maaktuhan ang dalawang indibidwal na iligal na nagtatapon ng basura sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Daniel Acob ng Barangay Tagaran, sinabi niyang dalawang indibidwal ang kanilang naaktuhang nagtatapon ng basura sa likod ng sports complex.
Aniya, kung matatandaan, mahigpit ang tagubilin ni Mayor Jaycee Dy sa masusing pagmamanman at paghuli sa mga taong walang disiplina sa pagtatapon ng basura sa lungsod.
Ayon pa sa ulat, isa sa mga nahuli ay nagtapon ng sirang parte ng TV, kabilang ang mga basag na bubog na maaaring magdulot ng panganib sa mga dumadaan.
Isa sa mga naaktuhan ay dati na umanong nahuli dahil sa pagsusunog ng wire sa parehong lugar, ngunit pinatawad noon.
Inuuwi umano ng mga ito ang retaso ng mga sirang appliances upang kunin ang tansong bahagi bago itapon ang natitirang materyales.
Bagamat mabigat ang parusa para sa mga lumalabag sa Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000), pinatawan na lamang ng 15 araw na community service ang dalawang sangkot, habang ang kolong-kolong na ginamit sa pagdadala ng basura ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng barangay.
Sa kabuuan, walo na ang nahuhuli ng barangay dahil sa iligal na pagtatapon ng basura, at lahat ay pinatawan ng community service.
Ayon kay Kagawad Acob, sa pamamagitan ng community service, kahit papaano ay nakatutulong pa rin ang mga pasaway sa kalinisan ng barangay.











