--Ads--

Isinapubliko ni Senadora Risa Hontiveros ngayong Lunes ang kopya ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN para sa taong 2024.

Matatandaan na matagal nang isinusulong ni Hontiveros ang mas malawak na access ng publiko sa SALN ng mga opisyal ng pamahalaan bilang hakbang sa pagpapalakas ng transparency at accountability sa serbisyo publiko.

Batay sa kanyang SALN hanggang Disyembre 31, 2024, idineklara ni Hontiveros ang kabuuang assets na nagkakahalaga ng ₱19.88 milyon, liabilities na ₱897,840, at net worth na ₱18.99 milyon.

Kabilang sa kanyang mga ari-ariang idineklara ang tatlong residential properties, mga personal na kagamitan gaya ng cash deposits, dalawang sasakyan, furnitures, mga alahas, at equity sa ilang installment purchases.

--Ads--

Nakalagay din sa kanyang SALN ang isang car loan na nagkakahalaga ng ₱897,840 sa ilalim ng kanyang mga liabilities.

Ipinahayag din ni Senator Hontiveros na siya ay stockholder ng Planet Dive Inc., miyembro din ng New Rural Bank of San Leonardo Inc. sa Nueva Ecija, at direktor ng La Lina Corp.

Ayon sa senadora, buong suporta niyang tinatanggap ang pag-alis ng mga aniya’y di-makatarungan, labag sa Konstitusyon, at kontra-mamamayang limitasyon sa pagkuha ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno.

Tinukoy niya ang dating alituntunin sa ilalim ni dating Ombudsman Samuel Martires, na nag-aatas ng notarized consent mula sa opisyal o court order bago mailabas ang SALN, maliban na lamang kung ito ay hihingin ng mga imbestigador ng Ombudsman para sa isang fact-finding probe.

Pinuri rin ni Hontiveros ang hakbang ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tanggalin ang nasabing mga restrictions na aniya ay isang positibong hakbang tungo sa pagpapalakas ng transparency at pananagutan sa pamahalaan.

Ayon pa sa kanya bagong mga patakaran ay dapat na ipatupad nang pantay-pantay sa lahat ng opisyal ng gobyerno—mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa, dati man o kasalukuyan—nang may makatwirang limitasyon para sa personal o sensitibong impormasyon at seguridad.