Isang insidente ng pagtirik ng sasakyan ang naiulat sa Brgy. Alicaocao, Cauayan City partikular sa Alicaocao Overflow Bridge matapos huminto ang makina nito habang binabaybay ang naturang tulay.
Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, ang insidente ay nangyari bandang alas-8:53 ng gabi.
Ang naturang sasakyan ay minamaneho ni Sonny Javil, isang pastor ng Pentecostal Church at residente ng Brgy. Minante I, Cauayan City.
Ayon sa imbestigasyon, tinangkang tawirin ng biktima ang Alicaocao overflow bridge kahit may babala at harang na inilagay upang pigilan ang mga motorista dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Nang umabot sa malalim na bahagi ng tulay, huminto ang makina ng sasakyan.
Sinubukan pa umanong itulak ni Javil ang sasakyan ngunit hindi na niya ito kinaya.
Dahil dito, napilitan silang iwan ang sasakyan sa gitna ng tulay at bumalik sa Brgy. Carabatan Chica upang humingi ng tulong. Ligtas at walang tinamong pinsala ang mga biktima.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PNP kasama ang POSD members upang subukang i-recover ang sasakyan. Ngunit dahil sa malakas na agos at patuloy na pagtaas ng tubig, tuluyang tinangay ng baha ang sasakyan at nahulog mula sa tulay.
--Ads--











