--Ads--

Nakapagtala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang 41 pamilya o katumbas ng 133 katao na apektado ng Bagyong Ramil sa mga lalawigan ng Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DSWD Region 2 Regional Director Lucia Alan, sinabi nitong mayroong 18 pamilya o 60 katao mula sa dalawang barangay sa Isabela ang naapektuhan. Samantala, 22 pamilya o 71 katao mula sa apat na barangay sa Nueva Vizcaya ang naitala ng ahensya. Isang pamilya naman ang apektado sa isang barangay sa lalawigan ng Quirino.

Ayon pa kay Alan, may kabuuang 22 pamilya o 71 katao ang kasalukuyang nananatili sa apat na evacuation centers sa rehiyon, habang isa ang naitalang outside evacuee.

Patuloy ang isinasagawang monitoring ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan para sa posibleng pagtaas pa ng bilang ng mga apektado bunsod ng patuloy na pag-ulan.

--Ads--

Dagdag pa ni Alan, naka-standby na ang 120,076 family food packs, iba’t ibang non-food items, at tatlong milyong pisong standby fund para sa agarang tugon sa mga nangangailangan.
Aniya, patuloy din ang replenishment ng mga prepositioned goods na nagamit sa mga nakaraang bagyo upang masiguro ang kahandaan ng ahensya sa mga susunod pang sakuna.

Tiniyak naman ng DSWD Region 2 na nakahanda silang magbigay ng mabilis na tulong sa mga mamamayan ng rehiyon sa oras ng pangangailangan.