--Ads--

Sa kabila ng maulang panahon na naranasan sa Lungsod ng Cauayan, may mga residente pa ring nagtungo sa tanggapan ng COMELEC Cauayan upang magparehistro kahapon, Lunes, Oktubre 20.

Sa unang araw ng voter registration, nakapagtala agad ang COMELEC ng walong indibidwal na nagnanais na magparehistro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leth Badua, Election Assistant II ng COMELEC Cauayan, inaasahan nilang mas marami pa ang dadagsa sa mga susunod na araw. Kabilang sa mga serbisyong hinahanap ng mga mamamayan ay ang reactivation ng kanilang rehistro at transfer ng rehistro mula sa isang barangay patungo sa ibang barangay tulad ng mga residente mula sa Barangay San Fermin na lumipat sa Barangay Tagaran.

Ayon sa COMELEC, magpapatuloy ang voter registration hanggang Mayo ng susunod na taon, at bukas ang opisina mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, Lunes hanggang Sabado.

--Ads--

Wala namang naitalang malaking problema sa unang araw ng registration, maliban sa ilang kaso ng beripikasyon ng impormasyon ng mga nagparehistro.

Naka-iskedyul na rin umano ang pagsasagawa ng satellite registration sa lungsod, ngunit hindi pa ito inilalabas ng opisina dahil kinakailangan pang makipag-ugnayan sa mga paaralan na posibleng gawing venue ng mga aktibidad.

Dagdag pa ng COMELEC, maglalabas sila ng mga update kung kailan at saan gaganapin ang mga satellite registration sa kanilang opisyal na social media pages.