--Ads--

Tutol ang labor sector sa ₱20 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector sa Region 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Johny Alvaro, ang Labor Sector Representative ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region 2, sinabi niya na sa loob ng labing-limang araw matapos mailathala, ay magiging epektibo na ang bagong wage order na nagdagdag ng ₱40 para sa agriculture sector at ₱20 naman para sa non-agriculture sector.

Mula sa dating ₱480, papalo na sa ₱500 ang minimum wage sa Region 2 para sa parehong non-agriculture at agriculture sector.

Ayon kay Alvaro, hindi sila sang-ayon sa halagang dagdag-sahod na inaprubahan ng mayorya. Subalit dahil sa sistemang botohan, natalo ang kanilang panukala.

--Ads--

Aniya, kung sila ang masusunod, batay sa mga konsultasyon at public hearings na isinagawa, mas mataas ang hinihiling ng mga manggagawa na ₱70–₱100 wage increase. Gayunpaman, sa deliberasyon, ₱50 across-the-board increase ang kanilang hininging dagdag-sahod. Ngunit ₱20 lamang ang inaprubahan, ayon sa desisyon ng mayorya.

Ipinaliwanag nila na ang ₱50 na hinihinging dagdag-sahod ay ibinatay sa aktuwal na pangangailangan ng mga manggagawa, alinsunod sa mga konsultasyong isinagawa ng kanilang hanay.

Kabilang sa mga batayan nito ang economic indicators, kung saan nakita ang pagbuti ng ekonomiya ng Region 2 batay sa Regional Gross Domestic Product (RGDP) at ang katatagan ng mga negosyo.

Sa kabila ng bagong wage order, natuklasan na marami pa ring employer ang hindi tumatalima sa kasalukuyang minimum wage na ₱480 (non-agriculture) at ₱460 (agriculture).

Ayon kay Ginoong Alvaro, dapat tugunan ito sapagkat walang saysay ang mga inaaprubahang wage order kung hindi naman ito maayos na naipapatupad.

Sa katunayan, may ilang datos na nagsasabing ang Region 2 ay isa sa may pinakamababang minimum wage sa buong bansa.