--Ads--

Dumating ngayong Martes sa La Santé Prison sa Paris si Nicolas Sarkozy, dating pangulo ng France upang simulan ang kanyang limang taong sentensiya kaugnay ng pagkakasangkot sa ilegal na pangangalap ng pondo mula sa dating lider ng Libya na si Muammar Gaddafi para sa kanyang kampanya noong 2007.

Si Sarkozy, na namuno sa France mula 2007 hanggang 2012, ay naging kauna unahang dating pangulo ng bansa na nakulong mula noong panahon ni Marshal Philippe Pétain, ang lider na nakipagtulungan sa mga Nazi noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Maagang umalis sa kanilang tahanan si Sarkozy, hawak-kamay ang kanyang asawang si Carla Bruni.

Sinalubong sila ng mga tagasuporta na nagtipon sa labas at sumisigaw ng “Nicolas! Nicolas!” at sabay-sabay na umaawit ng pambansang awit ng France na La Marseillaise.

--Ads--

Sa isang mahabang mensahe na pinost ng dating pangulo sa social media na X (dating Twitter) bago tumungo sa kulungan, mariing itinanggi nito ang mga paratang.

Ayon sa kanya hindi isang dating pangulo ng Republika ang ikinukulong ngayong umaga — kundi isang inosenteng tao.

Ang pagkakakulong ni Sarkozy ay bunga ng mahabang legal battle kaugnay ng umano’y pagtanggap ng milyong euro mula sa rehimeng Gaddafi para sa kanyang kampanya sa pagkapangulo.

Bagama’t napatunayang nakipagsabwatang itago at pamahalaan ang pondo kasama ang kanyang mga malalapit na aide, naabsuwelto si Sarkozy sa direktang pagtanggap o paggamit ng naturang pera.

Mariin ang pagtutol ni Sarkozy sa mga akusasyon at iginiit na ang kaso ay may halong pulitika.

Ang pagkakakulong ni Sarkozy ay itinuturing na isang matinding pagbagsak para sa isang lider na minsang namayagpag sa politika ng France at Europe.

Sa kabila nito nananatili  ang suporta ng ilan sa kanyang mga tagasunod.