Naanod ang tatlong bangka sa bahagi Alicaocao Overflow Bridge na ginagamit sa pagtawid ng mga residente mula sa kabilang bahagi ng Ilog.
Agad din namang nahanap ang mga bangka sa bahagi ng bayan ng Naguilian subalit nagdulot pa rin ito ng pagkaantala sa operasyon ng mga bangkero dahilan upang ma-stranded ang ilang mga pasahero sa magkabilang bahagi ng pampang.
Ayon kay Ginoong Rudy Vargas, isa sa mga bangkero, posibleng sinadya umano ang pagtanggal ng mga tali ng kanilang mga bangka. Paliwanag niya, mahigpit at matibay ang pagkakatali ng mga ito kaya’t laking gulat nila nang magising at makitang kumalas ang mga lubid at inanod na ang kanilang mga bangka kung saan sakay pa sila mismo.
Umabot pa umano ang kanilang bangka hanggang sa bayan ng Naguillan.Kuwento ni Vargas, naubusan sila ng gasolina habang nasa gitna ng ilog kaya kinailangan pa nilang tumawag sa mga kakilala upang humingi ng tulong at magpabili ng gasolina.
Ayon sakaniya, sa mahigit 20 years niyang pagiging bangkero ay ito ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan niya ito. Dahil sa nangyari ay plano nila umanong bumili pa ng dagdag na lubid upang mas masigurado nila ang kaligtasan ng kanilang bangka.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na bagama’t mataas ang antas ng tubig sa ilog ay naniniwala pa rin si POSD Chief na sinadya ang pagkaanod ng mga bangka.
Aniya, mayroong sapat na training ang mga namamahala sa bangka kaya imposibleng hindi nila alam ang tamang paraan ng pagtatali nito.
Hindi aniya ito ang tamang panahon upang pagtripan ang mga bangka na lubhang kailangan lalo na tuwing impassable ang Alicaocao Overflow Bridge.











