Nilinaw ng Gobernador ng Nueva Vizcaya na hindi saklaw ng kaniyang kapangyarihan na magbigay ng pahintulot sa isang mining firm na mag-operate sa lalawigan.
Ito ay matapos maglabas ng Temporary Restraining order (TRO) ang Nueva Vizcaya Regional Trial Court (RTC) Branch 30 laban sa mga anti-mining group na maglagay ng barikada sa mga daan upang pigilan ang pagpasok ng Woggle Corporation sa mining exploration site.
Nag-udyok naman ito sa mga Anti-mining groups and advocates na magsagawa ng rally upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa panibagong Mining operation sa Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nueva Vizcaya Governor Jose Gambito, inamin nito na siya ay nag-issue ng certificate of posting na nagsasaad na ang application for exploration ng nabanggit na mining firm ay nai-post na sa public bulletin ng kapitolyo.
Aniya, hindi pwedeng hindi siya mag-isyu dahil ito ay bahagi ng kaniyang ministerial duty at maaari siyang matanggal sa pwesto kung hindi siya pumirma sapagkat maituturing itong abuse of authority.
Ayon sa Gobernador, ang Department of Environment and Natural Resources ang nagbibigay ng permit sa mga mining firm at ang tanging papel lamang ng Punong-lalawigan ay mag-issue ng certificate of posting.
Bagama’t mayroong certificate of posting na inisyu ang Gobernador kung hindi ito pahihintulutan ng national government ay magiging balewala ito.
Ani Gov. Gambito, maaari namang matutulan ang operasyon kung maipaparating ito sa National Government lalo na kapag nakitaan ng butas ang operasyon ng mining firm.
Naiintindihan umano nito ang sentimyento ng kaniyang mamamayan at tiniyak nito na kaisa siya sa kanilang panawagan.
Naiparating na rin ang usaping ito kay President Ferdinand Marcos Jr. at sa ngayon ay inaantay pa ang tugon ng Pangulo.





