Tiniyak ng Bureau of Research and Standards (BRS) na walang dokumentong may kaugnayan sa imbestigasyon ng mga iregularidad sa flood control projects ang naapektuhan sa pagkasunog sa gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City nitong Miyerkules ng hapon, Oktubre 22.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region, umabot sa third alarm ang sunog bago ito naapula dakong 1:49 ng hapon.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng DPWH na ang nasunog na gusali ay hindi naglalaman ng anumang dokumento na konektado sa isinasagawang imbestigasyon ukol sa flood control anomalies.
Dagdag pa ng kagawaran, ang BRS ay nakatutok sa pagsasagawa ng mga pananaliksik, pilot testing, at pagbuo ng mga polisiya para sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno.
Sinabi rin ng DPWH na walang nasaktan sa kanilang mga kawani sa insidente.
Iniulat nito na batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang sunog mula sa isang yunit ng kompyuter sa loob ng Materials Testing Division, at iniulat na sumabog ang naturang kagamitan.
Dagdag pa rito, isang imbestigasyon ang isinagawa upang matukoy ang lawak ng pinsala at maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.











