Patuloy na kinakaharap ng mga paaralan sa Calayan Islands ang matinding epekto ng pananalasa ng Super Typhoon Nando, kung saan maraming silid-aralan ang nasira at hindi agad magamit ng mga mag-aaral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas ang Regional Director ng DepEd Region aniya, kasalukuyang nagsasagawa na ng mga inisyatiba ang lokal na pamahalaan upang masimulan ang pagsasaayos sa mga nasirang classroom. Katuwang ng mga ito ang regional office ng Department of Education (DepEd) na naglunsad ng sariling kampanya upang makalikom ng pondo mula sa mga personnel ng kanilang tanggapan, kabilang na ang mga superintendent at staff.
Sa tulong ng mga donasyon, nakalikom ang rehiyon ng mahigit ₱300,000 na agad inilaan sa pagbili ng mga yero, pako, at iba pang pangunahing materyales na kailangan para sa pagkumpuni ng minor damages sa mga paaralan.
Matapos ang pananalasa ng bagyo, bumisita sa lugar si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasama ang kalihim ng DepEd upang personal na matanggap ang mga ulat hinggil sa pinsala.
Ayon kay Paragas, hanggang sa ngayon ay isinasailalim pa sa beripikasyon at validation ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kabuuang damage assessment. Inaasahan ngayong linggo ang update mula sa national office kaugnay ng pagpapalabas ng pondo para sa pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura.
Tinatayang aabot sa daan-daang milyong piso ang halaga ng pinsalang dulot ng bagyo sa mga paaralan sa Calayan, habang kaparehong epekto rin ang iniulat sa mga karatig-bayan tulad ng Aparri, Claveria, Sta. Ana, at Gonzaga.
Samantala, iginiit ng regional director na napakahirap ng kasalukuyang kalagayan ng mga mag-aaral sa Calayan Islands, lalo na’t bukod sa mga silid-aralan, marami rin sa kanilang mga tahanan ang napinsala. Nanawagan ito sa mga kinauukulan na sana ay mapabilis ang pagproseso ng kinakailangang pondo upang maibsan ang suliraning kinahaharap ng mga guro at mag-aaral, at nang magamit na muli ang mga silid-aralan sa lalong madaling panahon.











