Nadaganan ng sako-sakong mais ang isang lalaki matapos matanggalan ng gulong ang sinasakyan nilang Forward Truck, na naging dahilan ng pagtagilid nito kahapon ng tanghali, sa Barangay Tagaran, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob ng Barangay Tagaran, isang concerned citizen ang nagpabatid sa kanilang tanggapan tungkol sa naganap na aksidente. Agad naman silang rumesponde sa lugar at tumulong sa pagsagip sa mga sakay ng truck.
Batay sa ulat, galing umano sa Forest Region ang nasabing truck na kargado ng sako-sakong mais. Dahil hindi pa rin nadaraanan ang Alicaocao Overflow Bridge, napilitan silang dumaan sa bayan ng Naguilian. Ngunit pagdating sa Tagaran, bigla umanong natanggal ang isa sa mga gulong ng truck, dahilan upang mawalan ito ng balanse at tumagilid.
Nasa ibabaw umano ng truck ang biktima kasama ang pito nitong kasamahan nang mangyari ang insidente. Hindi na ito nakatalon sa oras ng pagtagilid nito kaya’t nadaganan siya ng mga sako ng mais na bumagsak mula sa sasakyan.
Agad namang rumesponde ang Rescue 922 at dinala ang biktima sa isang pagamutan kung saan siya nabigyan ng paunang lunas. Nagtamo siya ng mga gasgas sa likurang bahagi ng katawan, ilang bukol sa ulo, at pamamaga sa kanang mata.
Nanatili ang biktima sa ospital para sa masusing obserbasyon at karagdagang pagsusuri mula sa mga doktor.











