--Ads--

Ipinahayag ni dating Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III na isa sa mga opsyong kanyang pinag-iisipan ay ang maagang pagreretiro habang papalapit na ang pagtatapos ng kanyang Official Leave sa Oktubre 31.

Matatandaang na relieve sa pwesto si Torre noong Agosto 25 at pinalitan ni Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.

Kung siya ay nanatili sa puwesto, magkakaroon pa sana siya ng isang taon at pitong buwang serbisyo bago maabot ang itinakdang edad ng pagreretiro sa Marso 11, 2027. Si Torre rin ang kauna-unahang alumnus ng Philippine National Police Academy (PNPA) na naging pinuno ng pambansang pulisya.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, tinanggal si Torre sa puwesto dahil sa umano’y pagsuway sa direktiba ng National Police Commission (NAPOLCOM) hinggil sa paglipat ng ilang matataas na opisyal ng pulisya.

--Ads--

Kinumpirma naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang naturang di-pagkakasundo ang dahilan ng pagbibitiw ni Torre sa pwesto.

Sinabi rin ni Remulla na posibleng italaga si Torre sa ibang posisyon sa pamahalaan, bagaman nilinaw ng dating PNP chief na wala pa siyang natatanggap na opisyal na alok.

Bago maging PNP chief, nagsilbi si Torre bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kung saan pinamunuan niya ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2024 kaugnay ng kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Bilang Regional Director ng Police Regional Office 11 (PRO-11), pinangunahan din niya ang pag-aresto kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy sa Davao City noong Setyembre 8, 2024, dahil sa mga kasong human trafficking at sexual exploitation of minors.