Isang lalaki ang nasagip mula sa tiyak na kapahamakan matapos nitong tangkain ang pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay sa Barangay Mozzozzin Sur, Santa Maria, Isabela nitong nagdaang linggo.
Batay sa ulat ng pulisya nangyari ang insidente bandang alas-5:00 ng hapon noong Linggo, Oktubre 19, 2025, nang bigla na lamang tumalon ang lalaki sa ilog sa hindi pa matukoy na dahilan.
Sa kabutihang-palad, dalawang residente ang nakasaksi sa pangyayari at agad na tumulong upang mailigtas ang lalaki.
Dumating din sa lugar ang ilang awtoridad mula sa Santa Maria Police Station, matapos ipagbigay-alam ang insidente. Sama-sama nilang naiahon ang biktima mula sa tubig.
Matapos ang matagumpay na pagsagip, agad nilang tinawagan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon ang biktima.
Ayon sa pagsusuri ng mga medical responder, ang lalaki ay nasa impluwensya ng alak nang maganap ang insidente.





