Buwis buhay ang ginagawang paraan ng ating mga kapatid na Agta para maitawid lamang sa ilog ang kanilang mga motorsiklo sa Sapinit river sa Barangay Sapinit, Divilacan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kim Adrian Managuelod, residente ng Divilacan, sinabi niya na nakasanayan na ng mga Agta at iba pang mga residente na itawid sa ilog gamit ang malalaking salbabida ang kanilang mga motorsiklo.
Sa katunayan mayroong foot bridge doon sa lugar subalit kung hindi sanay ay may tiyansa na hindi rin makakatawid ng ligtas o di kaya mahulog ang motorista kaya walang ibang pagpipilian ang mga residente kundi buwis buhay na suongin ang malakas na agos ng tubig sa Sapinit River.
Sa ngayon kung sila ang tatanungin mas gusto na ng mga residente doon na mag biyahe by land o dumaan sa Ilagan-Divilacan road kaysa mag eroplano dulot na rin ng nabuong takot mula ng magkaroon ng insidente ng pagbagsak ng mga cessna plane na nagresulta sa pagkasawi ng ilang mga indibiduwal.
Panawagan niya sa Provincial at National Government na mabigyan ng pansin at sana ay mas mapatibay pa ang tulay sa lugar para magkaroon ng maayos at ligtas na tawiran ang mga residente.






