--Ads--

‎Tampok sa mga tindahan ang makabagong lapida na kilala sa tawag na Laser Lapida kung saan mayroong QR code bilang bagong paraan ng paggunita sa mga pumanaw, kasabay ng paghahanda ng publiko sa nalalapit na pagdiriwang ng Undas.

‎Ayon kay Alma Enriquez, Isa sa mga may-ari ng tindahan ng lapida, layunin ng inobasyong ito na mapanatili at maibahagi ang mga alaala ng mga yumaong mahal sa buhay.

‎Ipinaliwanag niya na kapag nascan ang QR code na nakaukit sa lapida, lumalabas ang impormasyon, larawan, at mga detalye tungkol sa naging buhay ng yumao.

‎Umaabot umano ng isang linggo ang paggawa ng bawat piraso depende sa laki at disenyo ng ipapagawa.

‎Nagsisimula ang halaga nito mula ₱15,000 para sa maliit na sukat, ₱20,000 para sa medium, at ₱30,000 para sa malalaking disenyo.

‎Samantala, ang karaniwang laser granite lapida na walang QR code ay nagkakahalaga ng ₱10,000 para sa maliit na sukat, ₱15,000 kung may larawan, at umaabot ng ₱25,000 para sa 60×60 na lapida.

Mayroon din silang mga marble at granite lapida na nagkakahalaga mula ₱1,500 hanggang ₱8,000, depende sa materyales at laki.

‎Dagdag pa niya, nagbibigay din sila ng libreng glass cover upang maprotektahan ang mga lapida laban sa dumi at panahon.

Ginagawa nila ito upang mapanatiling maayos at matibay ang mga lapida ng kanilang mga kostumer.

‎Marami na rin umanong tumangkilik sa Laser Lapida, lalo na ngayong panahon ng Undas, dahil sa kakaibang konsepto nitong pinagsasama ng tradisyon at makabagong teknolohiya.