Nagkaroon na ng standard guidelines ang Human Resource Department (HRD) sa pagsagawa ng Committee Hearing na may kaugnayan sa mga hindi dumadalo ng flag ceremony tuwing lunes sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Panlungsod Maximo Bagnus Jr., sinabi niya na matagumpay na nakapag-formulate ng guidelines nang magsagawa ng pagpupulong ang konseho kasama ang HRD ng lungsod. Natutuwa ang lokal na mambabatas dahil sa ganitong paraan ay magkakaroon na ng kaayusan at mahigpit na monitoring ng mga empleyado ng lokal na pamahaalan.
Matatandaan na isa ito sa dinulog ni Councilor Bagnos sa konseho dahil sa obserbasyon na kakaunting bilang ng mga dumadalo sa flag raising program kung ikukumpara sa bilang ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan.
Aniya, ibababa na lamang ng HRD sa lahat ng empleyado ng lungsod at ang departamento na rin ang gagawa ng monitoring ukol dito at ang magiging pataw o sanction ay ipagkakatiwala na rin sa mga ito.
Ayon pa sa Councilor, parusa para sa hindi sumusunod ang maaaring kaharapin ng mga empleyadong susuway dito habang rewards naman para sa mga susunod, gaya na lamang ng commendation.
Umaasa siya na sa mga susunod na flag raising program ay lahat na ng mga empleyado ay dadalo.











