--Ads--

Maganda ang naging resulta ng isinasagawang voters’ registration ng COMELEC Isabela dahil marami na ang nagtungo sa mga tanggapan ng Comelec sa lalawigan upang magparehistro at makaboto para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo, Provincial Supervisor ng COMELEC Isabela, sinabi niya na promising ang resulta ng voters’ registration sa lalawigan dahil marami na ang nagparehistro upang makaboto sa susunod na halalan para sa BSKE.

Matatandaang sinimulan ng COMELEC ang voters’ registration noong Oktubre 20, 2025 at magtatapos ito sa Mayo 18, 2026.

Ayon kay Atty. Castillo, marami ang nagparehistro dahil noong nakaraang registration na limang araw lamang ang itinagal, marami ang hindi umabot at nagtungo sa kanilang tanggapan upang magtanong at magpalipat ng lugar ng pagbobotohan.

--Ads--

Sa kasalukuyan, umabot na sa 1,885 ang bilang ng mga nagparehistro, at marami rito ay mga nagpatransfer ng lugar ng pagboto.

Mayroon din umanong mga nag-apply para sa reactivation matapos hindi makaboto sa dalawang magkasunod na halalan.

Maliban dito, may mga nagpa-correct ng entry dahil sa mga pagkakamali sa kanilang pangalan at iba pang personal na impormasyon.

Dahil may klase ang mga estudyante, kaunti lamang ang mga nagparehistro para sa Sangguniang Kabataan (SK) Elections, bagay na inaasahan na rin ng Comelec.

Tiniyak naman ni Atty. Castillo na kanilang pag-aaralan ang isyu ng mabagal na updating sa deactivation ng ilang botante upang agad na maabisuhan ang sinumang nade-deactivate ang pangalan at makapagpareactivate para muling makaboto sa halalan.

Posible rin umanong isapubliko ng COMELEC ang kanilang email address para sa mga nais mag-inquire kaugnay sa mga nadeactivate na pangalan sa voters’ list.

Para naman sa voters’ education program ng tanggapan, tiniyak ni Atty. Castillo na magpapatuloy ito, at may kaunting pagbabago sa paraan ng pagtuturo  sa halip na karaniwang lecture, ipapa-experience nila sa mga estudyante ang tunay na proseso ng halalan.

Muli rin niyang ipinaalala sa mga nais magparehistro na magdala ng isang valid government-issued ID.

Hindi tatanggapin bilang valid ID ang cedula, PNP clearance, company ID, barangay-issued certificate, at barangay ID.