--Ads--

Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Senate President at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa mga natitira niyang kasong graft kaugnay ng umano’y pagdivert ng P172.8 milyon sa pondo ng bayan na konektado sa pork barrel scam.

Sa promulgasyon ng kaso nitong Biyernes, Oktubre 24, ibinasura ng Sandiganbayan Special Third Division ang 15 counts ng kasong graft laban kina Enrile, dating chief of staff niyang si Jessica Lucila “Gigi” Reyes, at negosyanteng si Janet Lim Napoles na siyang itinuturong utak ng anomalya.

Ayon sa desisyon na isinulat ni Special Third Division Chairperson Justice Ronald Moreno, nabigo umano ang prosekusyon na patunayan ang kanilang pagkakasala “beyond reasonable doubt.”

Inatasan naman ng korte sina Napoles at ilang iba pang akusado na magbayad sa pamahalaan ng halagang mula P8 milyon hanggang P40 milyon, na may 6% na  taunang interes mula sa petsa ng pagiging pinal ng desisyon hanggang sa ganap itong mabayaran.

--Ads--

Gayunman, walang ipinataw na civil liability kina Enrile, Reyes, at iba pang mga co-accused.

Tinukoy din ng Sandiganbayan na ibinasura na ang mga kaso laban kina Eulogio Dimailig Rodriguez, Romulo Magahis Relevo, at Alexis Gagni Sevidal dahil sa kanilang pagpanaw, habang si Hernanie Ditchon ay natigil din ang kaso sa parehong dahilan.

Ang kaso naman laban kay Fernando Balbaira Ramirez ay ibinasura dahil sa kawalan ng probable cause.

Samantala, idineklarang fugitive si Mario Loquellano Relampagos, habang sina Antonio Yrigon Ortiz, Ronald John Lim, Amparo L. Fernando, Aileen Palama, John Raymund De Asis, Alan Alunan Javellana, Maria Julie Asor Villaralvo-Johnson, Noel V. Macha, at Margarita P. Guadinez ay hindi pa naaarraign at nananatiling at large.

Ang mga kaso ay nag-ugat sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam na nabunyag noong 2013 matapos ilantad ang maling paggamit ng pondo ng mga mambabatas sa mga ghost projects.

Sa ilalim ng naturang modus, ang mga alokasyon mula sa PDAF ay umano’y idinaan sa mga pekeng non-governmental organizations na pinatatakbo ni Napoles.

Noong 2014, kinasuhan sina Enrile, Reyes, at Napoles ng plunder matapos silang akusahang kumita ng P172.8 milyon mula sa PDAF ni Enrile mula 2004 hanggang 2010.

Nauna nang nahatulan si Napoles ng plunder noong 2018 kaugnay ng pondo ni dating Senador Ramon Revilla Jr.

Noong Oktubre 4, 2024, pinawalang-sala rin si Enrile sa kasong plunder matapos hatulang nabigo ang prosekusyon na patunayan na tumanggap siya ng hindi bababa sa P50 milyon — ang itinakdang minimum para sa nasabing krimen.

Bukod kay Enrile, sina Revilla at Senador Jinggoy Estrada ay naharap din sa kasong plunder kaugnay ng PDAF scam, ngunit kapwa rin silang naabsuwelto kalaunan.