Arestado ng mga otoridad ang isang 17-anyos na binata matapos magnakaw umano ng isang nakaparadang motorsiklo sa Barangay Nalook, Kalibo, nitong Lunes ng gabi, Oktubre 20.
Ayon sa ulat, ginamit umano ng suspek ang motorsiklo upang ihatid ang kaniyang 13-anyos na nobya sa bayan ng Balete.
Batay sa imbestigasyon, ang binata ay residente ng Barangay Cawayan, New Washington. Kasama nila ang isa pang lalaki na hindi pa nakikilala at nakatakas sa insidente.
Sa panayam, ikinuwento ng binatilyo na naglakad umano sila mula Barangay Fatima, New Washington hanggang Nalook, Kalibo, kung saan nila napansin ang isang motorsiklong nakaparada sa gilid ng kalsada. Dahil umano sa kagustuhang makasakay, pinilit nilang paandarin ito gamit ang susi.
Naitakbo nila ang motorsiklo hanggang sa bahagi ng Barangay Tabayon, Banga, ngunit naubusan sila ng gasolina. Dahil dito, itinulak umano nila ang motorsiklo pabalik hanggang Barangay Mataphao, New Washington, kung saan sila naghintay ng umaga upang makapagpakarga ng gasolina.
Ayon pa sa binata, balak rin daw niya itong ibalik sa may-ari subalit umabot ng tatlong araw at hindi pa rin nila naibabalik ang nasabing motorsiklo.
Samantala, sinabi ng may-ari ng motor na napansin ng kaniyang mga kaibigan ang sasakyan sa Poblacion, New Washington, na minamaneho ng ibang tao. Sinundan nila ito hanggang sa Lawaan at agad tumawag ng mga pulis at barangay tanod.
Nagkaroon ng habulan, at tumalon umano sa ilog ang mga suspek kasama ang 13-anyos na babae. Agad silang hinabol gamit ang bangka, ngunit tanging ang magkasintahan lamang ang naaresto, habang nakatakas ang isa pang lalaki.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang menor de edad na suspek at ang kaniyang nobya para sa kaukulang disposisyon.











