--Ads--

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs na maaaring magkaroon pa ng mga pagbuga ng abo o minor eruptions ang Bulkang Kanlaon matapos ang naitalang minor explosive nito noong Biyernes ng gabi.

Sa inilabas na bulletin ng Phivolcs dakong alas-2:40 ng madaling-araw ngayong Sabado, sinabi ng ahensya na naganap ang moderately explosive eruption mula alas-8:05 hanggang alas-8:08 ng gabi.

Lumikha ito ng plume o ulap ng abo na umabot sa taas na 2,000 metro at tinangay ng hangin patungong hilagang-kanluran.

Naitala rin ang pag-ulan ng abo sa mga lungsod ng Bago, La Carlota, Pontevedra, at La Castellana sa Negros Occidental, gayundin sa Canlaon City sa Negros Oriental.

--Ads--

Ayon sa Phivolcs, bago ang pagputok ng bulkan ay may naitala nang 19 pagbuga ng abo mula Setyembre 8 hanggang Oktubre 23, at 90 lindol na may kaugnayan sa bulkan na umabot sa pinakamataas noong Oktubre 16.

Naitala rin ang mababang antas ng sulfur dioxide emission na 208 tonelada noong Biyernes bago ang pagputok.

Matapos ang naturang pagputok, wala namang naitalang pagtaas sa bilang ng volcanic earthquakes at ground deformation.

Nananatili rin sa Alert Level 2 ang status ng Bulkang Kanlaon.

Ayon pa sa Phivolcs, maaaring masundan ang pinakahuling pagputok ng mga katamtamang aktibidad tulad ng pagbuga ng abo o panandaliang explosive eruption.

Binigyang-diin ng ahensya na maaaring magdulot ng dangerous volcanic hazards sa loob ng 4-kilometer radius Permanent Danger Zone o PDZ.

Pinayuhan din ng Phivolcs ang mga residente at lokal na pamahalaan na:

  1. Lumikas ang mga komunidad sa loob ng PDZ dahil sa panganib ng pyroclastic density currents (PDC), ballistic projectiles, pagbagsak ng mga bato, at nakalalasong gas.
  2. Maghanda ang mga lokal na pamahalaan para sa posibleng paglikas kung tumaas ang aktibidad ng bulkan;
  3. Maging mapagmatyag ang mga residente kung umulan nang malakas dahil maaaring bumuo ng lahar ang mga naiipong abo sa itaas ng bulkan
  4. Iwasan ng mga piloto ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan.

Patuloy na mino-monitor ng Phivolcs ang kalagayan ng Bulkang Kanlaon at pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.