--Ads--

Buwis-buhay ang ginagawang pagtawid sa ilog ng ilang mga mag-aaral sa Casala, San Mariano, Isabela makapasok lamang sa paaralan.

Sa kuhang video ng isang netizen, makikita ang ilang mga estudyante na lumalangoy sa ilog bitbit ang kanilang mga gamit sa eskwela na nakalagay sa plastic bag.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa uploader na si Arlyn Gannaban Castillo, sinabi niya na upang makapasok sa paaralan ang mga mag-aaral sa kanilang lugar ay kinakailangan nilang lumangoy sa ilog dahil ito lamang ang tanging paraan upang makarating ang mga ito sa kabilang bahagi ng pampang.

Mayroon naman aniyang alternatibong ruta sa pamamagitan ng pagdaan sa ibang barangay subalit aabutin pa ng isang oras bago makarating sa Paaralan.

--Ads--

Dahil dito ay napipilitan ang mahigit 30 estudyante sa kanilang barangay na tumawid na lamang sa ilog sa tuwing papasok sa Eskwela.

Aniya, matagal na itong problema sa kanilang lugar dahil ilang dekada nang ganito ang sitwasyon ng mga mag-aaral lalo na tuwing mataas ang antas ng tubig sa ilog.

Nananawagan naman sila sa pamahalaan na sana ay mapatayuan ng tulay sa naturang ilog upang hindi na mahirapan pa ang mga mag-aaral.