Nagsasagawa na ng monitoring ang Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa presyo ng mga noche buena products kasabay ng nalalapit na panahon ng Kapaskuhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Cyrus I. Restauro, Provincial Director ng DTI Isabela, sinabi niya na wala pa naman silang nakikitang pagtaas sa presyo ng mga noche buena products sa ngayon.
Aniya, nakatakda ring maglabas ng Price Guide ang DTI kung saan makikita ang mga manufacturing company na nagtaas o nagbaba ng presyo.
Maliban sa mga noche buena products, tinutukan din ng DTI ang mga Christmas lights na ibinebenta sa merkado.
Ayon kay Atty. Restauro, kailangan kasing pasado sa Philippine Standards o may Import Commodity Clearance o ICC mark ang mga nasabing produkto.
Babala niya sa mga mamimili: kahit sa mga online store, tiyaking hindi uncertified products ang mga nasabing palamuting pampasko.











