Umabot sa tinatayang 30,000 na mga manok ang namatay sa isang poultry farm sa Barangay Sta. Luciana, Cauayan City, Isabela matapos kumpirmahing tinamaan ng avian influenza o bird flu.
Ang insidente ay nagdulot ng masangsang na amoy at pagdami ng mga langaw na naging perwisyo sa mga residente sa paligid ng lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paulo Eleazar Delmedo, sinabi niya na agad kumilos ang Pamahalaang Lungsod ng Cauayan katuwang ang City Veterinary Office at Department of Agriculture (DA) upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Batay sa isinagawang inspeksyon ng mga kinauukulan, natukoy na maraming manok ang namatay at ang iba ay kinailangang patayin upang makontrol ang sakit.
Ayon sa may-ari ng farm, agad na inihukay at inilibing ang mga patay na manok sa loob ng pasilidad. Dahil sa dami ng mga kailangang ilibing, nagpahiram ng backhoe at loader ang lokal na pamahalaan upang mapabilis ang proseso ng paghuhukay at disposal.
Matapos suriin ng Department of Agriculture at City Veterinary Office ang mga sample na kinuha mula sa mga namatay na manok, natukoy na bird flu ang sanhi ng pagkamatay.
Bunsod nito, lahat ng natitirang manok sa loob ng farm ay kailangang ma-dispose upang tuluyang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ayon sa tala ng City Veterinary Office, ito na ang ikalawang pagkakataon na nakapagtala ng ganitong insidente ng malawakang pagkamatay ng mga manok sa lungsod at ang unang kaso na kinasasangkutan ng isang komersyal na poultry farm.
Bilang bahagi ng containment measures, ipinatupad ng mga awtoridad ang 1-kilometer quarantine radius sa paligid ng apektadong lugar upang masuri ang kalagayan ng mga kalapit na poultry at backyard raisers.
Naglabas din ng abiso sa lahat ng poultry farm owners sa Cauayan City na maging mapagmatyag sa kalusugan ng kanilang mga alaga at agad ireport sa mga kinauukulan kung may mapansing sintomas ng sakit o pagkamatay ng mga manok.
Pinaalalahanan din ng City Veterinary Office ang mga nag-aalaga ng manok na ilagay sa tamang disposal area ang mga patay na hayop upang maiwasan ang pagdulot ng masamang amoy at panganib sa kalusugan ng mga residente.
Dahil sa pagkakumpirma ng kaso ng bird flu sa Barangay Sta. Luciana, ipinagbabawal muna ang pag-aalaga ng manok sa loob ng anim (6) na buwan sa nasabing farm bilang bahagi ng quarantine protocol.
Kasabay nito, pinayuhan ang may-ari ng farm na isagawa ang rehabilitasyon at decontamination ng pasilidad bago payagang muling mag-operate.











