--Ads--

Patuloy ang mahigpit na operasyon ng Land Transportation Office (LTO) Roxas laban sa mga pasaway na motorista kahit sa mismong araw ng Undas, upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mga kalsada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LTO Roxas Chief Florentino Dela Cruz, sinabi niyang inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga biyahero at mga taong pupunta sa mga sementeryo upang gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Magtatalaga sila ng mga tauhan sa mga pangunahing lansangan at sa private at public cemeteries sa Roxas at karatig na lugar upang magbigay ng tulong at gabay sa mga motorista.

Bukod sa pagbabantay sa trapiko, layunin din ng LTO na maiwasan ang mga kaso ng carnapping at iba pang krimen na kadalasang nangyayari sa ganitong panahon. Mamamahagi rin sila ng libreng inuming tubig sa mga bisita sa sementeryo bilang bahagi ng kanilang programa para sa publiko.

--Ads--

Ang deployment ng mga LTO personnel ay nakatakda simula Oktubre 31, 2025 upang paghandaan ang pagtaas ng volume ng mga sasakyan sa pangunahing kalsada at sa mga sementeryo.

Pinapaalalahanan din nila ang mga operator at driver ng kolorum na pampasaherong sasakyan na huwag bumiyahe dahil tiyak na mahuhuli. Hinihikayat din ang publiko na gamitin lamang ang mga lehitimong pampublikong transportasyon at sumunod sa batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente at abala.

Aniya ang disiplina sa kalsada ay responsibilidad ng bawat motorista, at ang maayos na koordinasyon ng LTO at lokal na pamahalaan ay makakatulong upang maging ligtas at maayos ang paggunita ng Undas sa Roxas, Isabela.