Nasagi ng isang pampasaherong bus ang traffic light sa intersection sa Cabatuan Road sa Lungsod ng Cauayan nitong umaga ng Linggo, Oktubre 26.
Galing sa SM terminal sa Cauayan City ang pampasaherong bus at patungo sanang Lungsod ng Tuguegarao nang hindi umano mapansin ng driver ang traffic light at nasagi ito.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente maliban sa nabasag na bahagi ng salamin ng bus at ang nasirang traffic light.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Rogelio Agustin, Chief of Operations ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan, agad nilang pinahinto ang bus at pinayuhang kumuha ng blotter para makipag-ayos sa Department of the Safety Office (DSO) hinggil sa napinsala nito.
Kinumpiska naman pansamantala ang driver’s license ng tsuper ng bus.
Dahil sa insidente ay pinaalalahanan ng hanay ng POSD ang mga motorista na mag-ingat, at tingnan nang mabuti ang dinaraanan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.











