Walang nakikitang foul play ang Philippine National Police (PNP) Ramon sa pagkamatay ni Rogelio Tacderan, 62 taong gulang, may kapansanan, isang magsasaka at residente ng Barangay Raniag, Ramon, Isabela.
Ayon sa ulat ng pulisya, natagpuan ang labi ng biktima ng isang estudyante na naglalakad sa gilid ng irigasyon kanal, kung saan nakita niyang lumulutang ang katawan ni Tacderan.
Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas-kwatro ng hapon noong Oktubre 25 ay nagtungo umano si Tacderan sa naturang lugar upang bisitahin ang kanyang alagang kalabaw. Napag-alamang nakainom ang biktima bago ang insidente.
Dagdag pa sa ulat ng awtoridad, nakaugalian umano ni Tacderan na maghugas sa irigasyon matapos bisitahin ang alagang hayop. Pinaniniwalaang nalunod si Tacderan habang ginagawa ang naturang gawain.
Nagpasya naman ang pamilya ng biktima na huwag nang ipasailalim sa mas malalim na imbestigasyon ang insidente.











