Naaresto ang dalawang Regional Most Wanted Persons (RMWP) matapos ang magkahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa lalawigan ng Cagayan nitong Oktubre 27, 2025, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted persons.
Sa bayan ng Abulug, Cagayan, nasakote ng pinagsanib na pwersa ng Abulug Police Station katuwang ang mga iba’t ibang unit ng PNP, ang suspek na si alyas “RIC”, na kabilang sa Number 9 Regional Most Wanted Persons.
Ang suspek ay 19-anyos, binata, at estudyante sa kolehiyo na residente ng Barangay Simmayung, Abulug, Cagayan. Siya ay naaresto sa bisa ng dalawang Warrant of Arrest para sa dalawang bilang ng Statutory Rape.
Samantala, sa isang matagumpay ding operasyon sa Barangay Catayauan, Lal-lo, Cagayan, naaresto ng mga kapulisan ang suspek na si alyas “Dan” nakalista sa No. 7 Regional Most Wanted Persons dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang nasabing suspek, 20-anyos, binata, at walang trabaho, ay naaresto sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ng RTC Branch 8, Aparri, Cagayan.











