--Ads--

Itinuturing na mga suspek ang ilang mentally challenged individuals kaugnay ng serye ng pambabato ng mga nakaparadang sasakyan sa Lungsod ng Cauayan.

Kaugnay ito ng ilang insidenteng naiulat sa mga otoridad kung saan sinasadyang basagin ng mga taong may mental condition ang mga napag-iinitang sasakyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niyang ipinarating sa kanilang tanggapan ang pinakahuling insidente na nangyari sa Barangay San Fermin, partikular sa likod ng lumang sementeryo.

Ayon kay Mallillin, noong araw ng Biyernes ay isang lalaking mentally challenged ang nahuli sa naturang lugar at agad ipinasakamay sa City Social Welfare and Development (CSWD). Sa kasalukuyan ay beripikado pa nila kung ito rin ang taong sangkot sa mga naunang insidente.

--Ads--

Dagdag pa niya, bukod sa naturang pangyayari, mayroon na rin umanong ibang mentally challenged persons na unang inireklamo sa kanila dahil sa kaparehong kaso. Agad naman aniya nilang inaaresto at ipinapasakamay sa CSWD ang mga ito.

Dinadala rin aniya sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang mga pasyenteng may mental condition, lalo na kung sumasang-ayon ang kanilang pamilya na bantayan sila sa nasabing pasilidad.

Patuloy rin umano ang kanilang koordinasyon sa mga kapulisan at mga opisyal ng barangay upang hindi na maulit ang ganitong insidente at upang hindi matakot ang mga residente na magparada ng sasakyan sa lungsod.

Samantala, pinaalalahanan ng POSD ang publiko na magparada ng sasakyan sa mga ligtas at may bantay na lugar, lalo na sa mga establisimyentong may security guard.

Ayon naman sa isang saksi na si Zel Aguinaldo, residente ng lugar, una nilang narinig ang malakas na kalabog bago nila makita ang isang lalaki na nambabato ng sasakyan.

Matapos mabasag ang salamin ng sasakyan ay agad umanong tumakas ang suspek.

Hindi maiwasan ng mga residente na matakot, lalo na’t hindi ito ang unang pagkakataon na nambato ng sasakyan ang naturang lalaki.

Ayon pa sa kanila, nahuli na raw dati ng mga pulis ang suspek ngunit pinalaya rin makalipas ang tatlong araw, dahilan upang muling mabahala ang mga mamamayan dahil patuloy pa ring pagala-gala ang taong umano’y may kapansanan sa pag-iisip.