--Ads--

Natagpuang wala nang buhay ang isang lalaki sa loob ng pinagta-trabahuhan nitong Shop sa Minante 2, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Vin”, 25-anyos, tubong Masbate, at tatlong taon nang naninilbihan bilang machine operator sa naturang shop.

Dahil galing ito sa malayong probinsya ay sa mismong shop na rin tumutuloy ang biktima.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cris Darell Duton, nakakita sa bangkay, sinabi nito na alas-6 kaninang umaga (Oktubre 28) nang buksan nila ang shop at nakita naman nila ang biktima sa loob subalit inakala nilang natutulog lamang ito.

--Ads--

Ilang sandali pa ay napansin nilang hindi na ito gumagalaw kaya sinubukan nila itong gisingin subalit malamig at matigas na ang katawan nito kaya hinala nila na kagabi pa ito binawian ng buhay.

Kagabi, Oktubre 27 ay nakainuman pa nila ito at bakas aniya sa mukha ng biktima ang kasiyahan dahil naka-plano na itong umuwi sa kanilang probinsya ngayong araw.

Ito sana ang unang pagkakataon na uuwi siya sa kanilang lugar matapos ang tatlong taon.

Sa ngayon ay sinisiyasat na ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.