Sumisid ng gintong medalya ang pambato ng Cauayan City na si Mark Justine Africano sa 50-meter freestyle sa nagpapatuloy na Batang Pinoy 2025 sa General Santos City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ian Dalog, isa sa mga delegado ng Lungsod ng Cauayan, sinabi nito na sa loob lamang ng 25.20 seconds ay natapos ni Africano ang 50-meter-long course dahilan upang makapagtala ito ng panibagong record sa naturang event.
Aniya, malaking karangalan ito para sa Lungsod dahil hindi lamang sila basta makapag-uuwi ng medalya kundi naiukit din sa kasaysayan ng Batang Pinoy ang Cauayan City bilang record holder sa swimming event.
Maliban sa swimming event ay nasikwat din ni Zac Zayco ng Cauayan City ang tansong medalya sa Archery.
Ayon kay Dalog, mas marami ang kanilang delegasyon ngayong taon kung ikukumpara noong 2024 at tiniyak nila na malalakas ang lahat ng mga atleta sa kani-kanilang mga sporting events.
Bukas, Oktubre 29 ay nakatakda ang quarterfinals ng soft tennis at may apat na manlalaro mula Cauayan City ang sigurado nang makakapagbulsa ng medalya.







