Nasabat ng mga otoridad ang dalawang indibidwal na sangkot umano sa ilegal na pagbibiyahe ng bultuhang sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱102,500 sa isinagawang operasyon sa Lungsod ng Cauayan dakong alas-3:20 ng hapon, Oktubre 27, 2025, sa National Highway, partikular sa harap ng kampo ng 2nd IPMFC, Barangay Alinam, Cauayan City.
Batay sa imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na pagbiyahe ng mga sigarilyo. Dahil dito, agad silang nakipag-ugnayan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) bago ikasa ang operasyon.
Habang nagsasagawa ng checkpoint, napansin ng mga pulis ang dalawang tricycle na may sakay na mga bukas na karton na naglalaman ng iba’t ibang klase ng sigarilyo. Pinahinto ang mga ito at nang beripikahin, nabigong magpakita ang mga driver ng mga dokumentong magpapatunay sa pinagmulan ng mga produkto, dahilan upang agad silang arestuhin.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Jaime” at alyas “Ric”, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Cauayan City, Isabela.
Nakumpiska mula kay alyas “Ric” ang Anim (6) na karton ng sigarilyo, kabilang ang 212 ream ng sigarilyo, isang motorsiklo na kulay itim na walang plaka at may berdeng sidecar.
Samantala, nasamsam naman sa tricycle na minamaneho ni alyas “Jaime” ang 200 ream ng sigarilyo at isang motorsiklo.
Ang lahat ng nakumpiskang sigarilyo ay maayos na minarkahan at inimbentaryo sa mismong lugar ng operasyon, sa harap ng mga suspek at mga imbitadong saksi.
Dinala ang mga suspek sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon habang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 263 ng Republic Act 8424 o Tax Reform Act laban sa kanila.
Samantala, sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng pahayag ang mga suspek, ngunit tumanggi silang magbigay ng anumang komento.











