--Ads--

Isang tao ang nasawi at isa pa ang sugatan matapos ang insidente ng pamamaril at panununog sa Atok Gold Mines sa Sitio Assay, Barangay Gumatdang, Itogon, Benguet.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, ang suspek ay ang officer-in-charge (OIC) ng security team ng nasabing minahan. Ayon sa imbestigasyon, binaril umano ng suspek ang kanyang kasamahan dakong alas-8:00 ng gabi dahil sa umano’y personal na alitan.

Matapos ang pamamaril, sinilaban umano ng suspek ang kanilang bunkhouse, na mabilis namang kumalat sa mga kalapit na gusali kabilang ang staff house at opisina ng kompanya.

Nasunog din ang PAMANA-DSWD Gumatdang Community Livelihood Center, na naglalaman ng mga grocery item at isang tricycle na ginagamit sa kabuhayan ng komunidad.

--Ads--

Kinumpirma ng mga awtoridad na isang indibidwal ang nasawi sa insidente, ngunit hindi pa matiyak kung ang nasawi ay ang suspek o isa pang biktimang na-trap sa apoy. Hindi pa rin isinasapubliko ang kalagayan ng sugatang biktima.

Ayon sa Itogon Municipal Public Information Office (PIO-Itogon), siyam (9) na pamilya ang naapektuhan matapos kumalat ang apoy.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng pangyayari at maaresto ang suspek.