--Ads--

Muling naglabas ng mga bagong subpoena ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) laban kay dating Congressman Zaldy Co, na ipinadala sa kanyang mga tirahan sa Pasig City at Bicol, upang utusang humarap sa pagdinig ng komisyon sa Nobyembre 11 at 12 kaugnay ng imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control.

Ayon kay ICI spokesperson Brian Hosaka, nakumpirma nilang ipinadala na ang mga subpoena at hinihintay na lamang ang ulat mula sa mga nagsilbi ng mga ito.

Gayunman, nananatiling hindi matukoy ang kinaroroonan ni Co, bagama’t may mga ulat na nasa Spain o Portugal umano ang dating kongresista.

--Ads--

Dagdag pa ni Hosaka, maaaring magsampa ng petition for contempt ang ICI sakaling magpatuloy si Co sa hindi pagtalima sa mga utos ng komisyon.

Samantala, pinabulaanan naman ni Hosaka ang mga ulat na inimbitahan ng ICI si Sen. Bong Go upang lumahok sa imbestigasyon, taliwas sa pahayag ni dating senador Antonio Trillanes IV.

Nauna nang sinabi ni Trillanes sa isang post sa X (dating Twitter) na inimbitahan na raw ng ICI si Go, ngunit tumanggi umano itong dumalo maliban na lamang kung sasamahan siya nina Sen. Imee Marcos at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bilang mga “tagapagtanggol.”

Kasabay nito, muling hinimok ni Trillanes ang ICI na ipatawag si Sen. Go, pati na ang kanyang ama na si Deciderio Lim Go at kapatid na si Alfredo Go, kaugnay ng mga reklamong graft at plunder na inihain niya sa Office of the Ombudsman noong Oktubre 21.

Ayon kay Trillanes, nakinabang umano sina Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa halos ₱6.95 bilyon na halaga ng mga proyekto sa imprastraktura na ibinigay sa CLTG Builders (pag-aari ng ama ni Go) at Alfrego Builders (pag-aari ng kanyang kapatid).

Noong Oktubre 24, pormal na nagsumite si Trillanes ng liham at kopya ng kanyang complaint affidavit sa ICI upang hilinging isama sa imbestigasyon ang pamilya Go.

Kinumpirma naman ni Hosaka na natanggap na ng ICI ang mga dokumentong isinumite ni Trillanes at bahagi na ito ng patuloy na imbestigasyon ng komisyon.