--Ads--

Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang naitalang problema o paglabag sa isinagawang inspeksyon sa mga terminal, flower shop, at iba pang mga establisimyento kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Angie Gumaru, Head ng Consumer Welfare Division ng DTI Region 2, sinabi niya na nagsagawa sila ng serye ng mga inspeksyon bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga tao sa mga pampublikong lugar sa darating na Undas. Layunin nito na matiyak na ang lahat ng establisimyento ay sumusunod sa umiiral na mga patakaran sa tamang pagpepresyo, price tagging, at patas na kalakalan.

Ayon kay Atty. Gumaru, kabilang sa kanilang tinutukan ang mga terminal upang masiguro na tama ang presyo ng mga bottled water at iba pang pangunahing bilihin, pati na rin ang maayos na paglalagay ng price tag sa mga produkto.

Dagdag pa niya, ininspeksyon din ng kanilang tanggapan ang mga flower shop at iba pang tindahan na inaasahang dadagsain ng mga mamimili sa Undas. Sinuri rito kung tama at makatarungan ang presyo ng mga bulaklak at kandila, gayundin kung may malinaw na price tag ang bawat produkto upang maiwasan ang pananamantala sa mga mamimili.

--Ads--

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng DTI Region 2 ang mga ulat at datos mula sa mga provincial offices kaugnay ng resulta ng kani-kanilang inspeksyon sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon.

Ayon pa kay Atty. Gumaru, sabay-sabay na isinagawa ang inspection at monitoring sa buong rehiyon noong Oktubre 29, upang sabay-sabay ding maisumite at maiproseso ang mga ulat bago sumapit ang Undas.

Dagdag niya, patuloy na magbabantay ang DTI sa mga darating na araw upang masiguro na protektado ang karapatan ng mga mamimili at maiwasan ang anumang uri ng overpricing o panlilinlang sa gitna ng paggunita ng Undas.