Magkakaroon ng satellite registration ang Commission on Elections (COMELEC) Cauayan sa iba’t ibang paaralan sa lungsod ngayong Nobyembre upang hikayatin ang mga kabataang magparehistro para sa darating na halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Election Assistant Let Badua ng COMELEC Cauayan, personal nilang bibisitahin ang mga piling paaralan, partikular ang mga national high school, upang mapadali ang proseso ng pagpaparehistro at nang hindi na kailangang bumiyahe pa ang mga kabataan papunta sa kanilang opisina.
Kabilang sa mga paaralang dadaluhan ng COMELEC Cauayan ang Rogus National High School sa Nobyembre 4, Villa Concepcion National High School sa Nobyembre 6, Maligaya Integrated School sa Nobyembre 11, Baculod National High School sa Nobyembre 13, Linglingay National High School sa Nobyembre 18, Gappal National High School sa Nobyembre 20, Villa Luna National High School sa Nobyembre 25, at San Luis Integrated National High School sa Nobyembre 27.
Pinaalalahanan ni Badua ang mga estudyante at mga unang beses pa lamang boboto na magdala ng government-issued ID o school ID bilang patunay ng kanilang pagkakakilanlan.
Samantala, inihayag din ng COMELEC Cauayan na pansamantalang ihihinto ang operasyon ng kanilang opisina mula alas-12 ng tanghali bukas, Oktubre 30, hanggang Nobyembre 2 bilang bahagi ng Undas break.
Nilinaw rin ng ahensya na maaaring magparehistro ang mga botante hanggang Mayo 2026, kaya hinihikayat nila ang publiko na samantalahin ang pagkakataong ito upang maging ganap na rehistradong botante.











