--Ads--

Inihayag ng IBON Foundation na hindi dapat masilaw ang mamamayang Pilipino sa mga kasunduang pinapasok ng pamahalaan, tulad ng trade deal sa bansang China.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niyang walang saysay ang mga ganitong kasunduan kung nananatiling mahina ang sektor ng agrikultura at hindi nabibigyang pansin ang kalagayan ng mga mahihirap na magsasaka.

Ayon kay Africa, hangga’t hindi nabibigyan ng sapat na suporta ang agriculture sector, lalo na sa mga pangunahing produktong pang-eksport ng bansa, mananatiling papel lamang ang mga kasunduang pinapasok ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, madedehado lamang ang bansa dahil kulang tayo sa produktong maibebenta sa pandaigdigang merkado.

--Ads--

Giit ni Africa, hindi magiging totoo ang pahayag ng administrasyon na malaki ang pakinabang sa mga kasunduang ito kung pagbabatayan ang karanasan sa mga nagdaang administrasyon, kung saan may kaparehong kasunduan ngunit walang malinaw na benepisyo sa ekonomiya.

Aniya, ginagamit lamang ng pamahalaan ang mga kasunduang ito upang ilihis ang usapin sa tunay na isyu, ang kapabayaan nito sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.

Babala pa ni Africa, mababangkrap lamang ang mga lokal na industriya kung patuloy na papasok ang pamahalaan sa ganitong mga kasunduan nang hindi isinasalang-alang ang kapakanan ng mga lokal na negosyante at manggagawa.

Batay sa national budget noong nakaraang taon, ₱8 bilyon lamang ang inilaan ng Administrasyong Marcos sa mga MSMEs, isang patunay umano na napakaliit ng suporta ng pamahalaan sa mga ito.

Sa huli, sinabi ni Africa na mas mabuti pang huwag sumali ang bansa sa ganitong mga kasunduang pangkalakalan kaysa madehado sa hinaharap.