--Ads--

Tiniyak ng mga tindera ng manok sa Lungsod ng Cauayan na ligtas at maayos pa ring kainin ang kanilang mga panindang manok sa kabila ng mga lumalabas na ulat hinggil sa bird flu.

‎Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mhey, tindera ng mga manok sa palengke, mahigpit nilang sinusuri at iniinspeksyon ang bawat manok bago ito ibenta sa palengke upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.

‎Bagama’t tumataas ang presyo ng manok mula sa mga supplier, nananatiling pareho pa rin ang kanilang bentahan upang hindi maapektuhan ang mga suki. Ang isang kilo ng manok ay nagkakahalaga ng P200 per kilo.

Gayunpaman, ani ni mhey, ramdam ng mga nagtitinda ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ngunit pinipilit pa rin nilang huwag agad magtaas upang hindi mabigla ang mga mamimili. Aniya, mula sa kuha nilang P160 pesos ngayon ay naging P165 na ang kuha nila ng manok.

‎Dagdag pa niya, posibleng magtaas na sila ng presyo ngayong papalapit ang undas at pasko dahil sa patuloy na pagdaragdag ng mga supplier na kanilang dinideliver na manok

‎Aniya, mas mahalaga raw na mapanatili ang tiwala at suporta ng kanilang mga suki, lalo na’t may mga isyung gaya ng bird flu na nakakaapekto sa pananaw ng publiko tungkol sa pagkain ng manok.

Samantala,walang naging paggalaw sa presyo ng mga ibinebentang mga niyog sa palengke sa lungsod ng Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joanalyn Solatre, tindera ng niyog, aniya sapat ang suplay ngayon kung ihahalintulad noong nakaraang taon kung saan nagkulang at talagang tumaas ang presyo ng mga ito.

Sa ngayon ay naglalaro ang presyo ng mga niyog sa 30 pesos kada kilo at inaasahang hindi ito tataas pa hanggang matapos ang Undas. Liban na lamang sa mga presyo ng malagkit dahil may isang partikular na malagkit na mayroong pagtaas ng presyo dahil rin sa mismong lugar na pinagmulan nito.

--Ads--